Kahit puyat ako ay ayos lang naman. Me high pa ako sa grabeng kasiyahan sa panonood ng “Rakrakan Overload: The 2007 Middle East Tour,” concert series handog ng The Filipino Channel (TFC) sa mga OFWs sa Qatar. Kung noong 2006 sa Rakrakan sa Dubai ay Parokya ni Edgar ang performers, sa 2007 Qatar edition naman ay ang bandang Bamboo ang main attraction. Ang venue ng concert ay ang Khalifa Tennis and Squash Complex, same venue ng tennis competition ng 15th Asian Games Doha 2006 at ng taunang high-profile tennis tournaments ng ATP at ng WTA. Interestingly, dito rin sa Khalifa ginanap ang concert ng Side A band (with Roselle Nava as guest) noong 2004. Dyusko, talagang sumayaw pa ako at friend kong si Mara with Roselle sa concert na to, hahahahaha!
Ayokong maagang maging bilasa kapag naglaho ang pabango ko sa pinagsamang pabango rin at pawis ng ilang daang kabayang nakapila at kapag nalusaw ang nilagay kong concealer sa mukha ko, kaya nag-talent portion ako para huwag ng pumila. Tinawagan ko ang isa kong kaibigan sa loob at hiniram ang volunteers’ ID nya, isinukbit ito sa leeg ko, kumuha ng ilang pirasong flyers na ipinamimigay ng sponsors, pumuwesto sa entrance, nagpalabas ng matamis na ngiti kahit walang dimples sa nakabantay na Arabong guards, presto nakapasok agad ako sa loob ng walang pila-pila!
Organisadong-organisado ang konsyerto --- mula sa mga banners at posters ng sponsors, carpet na inilatag sa surface ng center court, mga naglalakihang ilaw at speakers sa stage at giant screen sa bandang kanan nito.
Sa 4,016 seating capacity ng center court, masasabi kong napuno ito kasi me blangko mang upuan sa bandang itaas ng stadium eh kung idaragdag mo ang bilang ng sangkatutak na tao sa mismong court kung san itinayo ang stage, baka lampas pa ito sa capacity! No wonder ganun karami ang tao kasi pati travel ng spectators ay organisado rin (ng Mowasalat, public transport company na isa rin sa mga sponsors). Mayroong mga buses na sumundo sa mga manonood, as early as tanghaling tapat, sa mga lugar tulad ng Mansoura, Najma at kahit sa mga malalayong lugar gaya ng Industrial, Al-Khor at Mesaieed. First time yata yung ganitong me pausong libreng transpo system for spectators kaya aliw!
Alas-sais pa lang eh halos puno na ang venue kaya habang naghihintay ng simula ng show eh panay ang kuhanan ng litrato ng mga kabayan. Talagang ang mga Pinoy walang hilig sa pictures, ano (kasama ako don)? Me mangilan-ngilan din patagong nagyo-yosi. Lahat ng mga ito eh naiinip na kung kailan lalabas ang mga performers kasi lagpas 7:30 na eh wala pa rin. Nakakaumay na nga ang di mabilang na salit-salitang pagpapalabas sa giant screen ng ads ng Bigatin Card, ni John Lloyd Cruz bilang Kapamilya at TFC global artist, ng Western Union, ni Bamboo sa Pepsi at trailer ng pelikula ni Kim Chiu at Gerald Anderson na I’ve Fallen For You. Umeecho na nga sa tenga ko ung dialogue ni Kim Chiu sa pelikula: “Ang galing nilang magtago. Nagagawa nilang mag-away sa harap ng…” Hmp!
Habang nagpe-perform si Bamboo, talagang nagkakagulo na ang mga tao sa saya: me naghe-head bang, me nambabasa ng tubig at naghahagis pa ng plastik na bote, at meron ding naghuhubad ng tshirt habang sumasayaw at kumakanta. Parang pati ako eh gusto nang makisali sa mga naghuhubad at hubarin ko na rin ang suot kong polo kaso bigla akong nadyahe kasi di yata bagay sa dating byuti queen ang maging balahurang rakista, hehehehe! Pero nagawa ko pa ring ibuhol ang dalawang dulo ng laylayan ng polo ko ala-cowgirl, hahahaha, habang panay ang indak ko, katabi ang mga kaibigang sina Robin at Ver na pawang aliw na aliw din!
Nung inikot ko ang mata ko para makita kung anu-anong klase ang crowd, nakakatuwa! Iba’t- ibang hugis, iba’t-ibang porma, iba’t-ibang kulay. Me babae, lalake, tomboy, bakla, paminta, pamintang buo, pamintang durog, bata, bata-bataan, mukhang bata, matanda at mukhang matanda. At hindi lang Pinoy kundi ibang lahi din. Kung noon ay naiinis ako sa mga Pinay na binabandera ang kanilang ibang lahing partners sa mga publikong lugar, noong gabing iyon ay natuwa ako para sa kanila dahil batid kong proud sila sa Pinoy talent at nais nilang iintroduce ang banyaga nilang dyowa sa kakaibang musikang Pinoy. Para kaming nasa isang karagatan ng gabing yon, kaming mga nanonood ang mga isda, ang Khalifa center court ang buong dagat at ang tubig o alon ay ang musika ni Bamboo na dumuduyan sa mga nakikinig nito at nagpapadpad sa ibang pampang…sa ibang mundo.
Kapag si Bamboo ang nagpe-perform, parang nakakalimutan mo ang problema mo. Para kang gumagaan, para kang inaangat sa hangin at inililipad. Para kang nawawalan ng karamdaman at biglang sumisigla. His energy level is so contagious and vocal quality so amazing --- mataas ang timbre pero masarap pa rin sa tenga at di nakakarindi. Sya yung singer na tipong di na kailangan ng spiels para kumonekta sa mga nakikinig; ang boses nya ang syang kakausap sa ‘yo.
Isa akong big fan ni Bamboo. I was introduced to his kind of music noong college days ko noong 1993. Una ko siyang narinig mula sa cassette tape ng self-titled album ng una nyang bandang Rivermaya, na binili ng pinsan kong si Mariecar. Madalas kasi bago pumasok sa eskwela si Mariecar ay magpapatugtog muna sya ng mga kanta ng Rivermaya sa bahay ng lolo ko sa Tondo at doon ko sila unang na-appreciate. Magmula nang marinig ko sa cassette na yon ang hits nilang Ulan at 214, naging paborito ko na ang Rivermaya, particularly si Bamboo na syang lead vocalist pa noon.
Di naman ako tipong die-hard follower na lahat ng gigs nila eh napapanood ko. Syempre wala pa naman akong pera bilang estudyante noon para masundan ang lahat ng shows nila. In fact, nitong taon ko lang napanood si Bamboo nang magperform sila sa Island Cove sa Cavite as part of Winston Summer Concert Series. Nagkataong nakabakasyon ako noon sa Pinas kaya nag marinig kong magso-show sila sa Island Cove, dalawang sakay lang mula sa bahay namin sa Bacoor, di ko na pinalagpas ang pagkakataon. Super mura lang ng ticket: imadyinin mo at 250 pesos me tiket ka na, me libre ka pang isang beer in can at isang pack ng Winston cigarettes. San ka pa? Dahil sa excitement, agad kong binulabog ang mga kaibigan ko sa Tondo na sila Dante, Randy at Tyang Vani at saka ko sila pinaluwas sa Cavite para mapanood si Bamboo. Tama nga ang sinabi sa akin ng kaibigan kong si Jackie na lalo mo raw mamahalin si Bamboo pag napanood mong mag-perform ng live.
(Me with friend Dante sa concert ni Bamboo sa Island Cove, May 2007)
(Friends Lady and Tyang Vani while watching Bamboo perform at Island Cove, May 2007)
(Bamboo while performing at Island Cove, May 2007)
Hanggang ngayon kapag me videoke sa kasayahan na pinupuntahan ko, mga kanta ni Bamboo ay laging kasama sa mga 'contest pieces' ko. Sila kasi ang klase ng bandang kuhang-kuha ang panlasa at damdamin ng kabataan: angst-filled, hippie, emotional, loving, feisty, socially aware, and proud of his race.
At sinong hindi magiging proud kapag maririnig mo ang ganitong klaseng kanta:
“Tignan mo ang iyong palad kalyado mong kamay
sa hirap ng buhay andami mong problema
nakuha mo pang ngumiti
Noypi ka nga astig!
Saan ka man ka man naroroon
Huwag kang matatakot sa baril
O patalim sa bakas ng madilim
HOY! pinoy ako buo aking loob may agimat ang dugo ko…”
Dito sa kantang Noypi tinapos ni Bamboo ang kanilang repertoire. Sinambit lang nito ang katagang “Thank you,” kumaway, at saka naglaho sa stage kasabay ng pagpatay ng mga ilaw.
Mayroong inihandang dinner para sa mga artists na gaganapin immediately pagtapos ng show sa magarang bahay ni Mader Edwin Ocampo, isang kilalang designer sa Doha. Kaya kahit gaka ako, isinabit ko ang sarili ko sa kaibigan kong si Jackie na close kay Mader. Minsanan lang mapadpad sa Qatar ang mga iniidolo mo kaya di ko na pinalagpas pa ang pagkakataon. Agaran akong umuwi muna sa bahay, nagpalit ng basambasa kong polo, nagpa-fresh at saka pumunta sa bahay ni Mader.
Akala namin ay di na sila darating dahil halos alas dose na ng hatinggabi yon. Pagkatapos ng matiyagang paghihintay, dumating din sila, hinayaang makakain ng husto, at saka na lang binulabog for picture-taking bago sila lumipad patungong Maynila. Pinapirmahan ko rin kay Bamboo at kay Ira Cruz, na nakapikit na nang akyatin ko sa bus na maghahatid sa kanila sa airport, ang kopya ng latest CD nila na binili ko pa sa SM Manila.
Mula alas-otso ng gabi hanggang sa matapos ang show, lagpas dalawang oras lang yon kung isasama mo pa ang maikling panahong inilagi nila sa bahay ng host. Lagpas dalawang oras lang pero katumbas ay habambuhay na kasiyahan at alalala para sa isang fan na mapanood na muli at makita ng personal ang kanyang idolo.