Tuesday, May 5, 2009

Answered prayer

Stressed out ako lately ke Kinang, yung 5-year old silver Suzuki car ko. Second technical inspection nya kasi after bumagsak nung una.

Lima ang faults na nakasulat sa report nung unang inspection nya:
1) natuklap na pintura sa bumper;
2) lumang gulong;
3) uneven tread (yung gatla gatla sa gulong that provides traction sa roads) wear --- nakakaloka ito, kelangan ba pantay ang pagkakagasgas ng gulong?;
4) sirang kaliwang ilaw sa license plate; at
5) misaligned rear wheels

Buti na lang kamo, puro minor lang ang mga ito; pasalamat na rin at walang kinalaman sa engine parts, exhaust, etc. ang kinabagsak ni Kinang kundi katakut-takot na gastos na naman ito.


(Me and Kinang)

Kung mapapansin nyo bakit kelangang ayusin ang kotse bago ito iparehistro, it’s because yun ang nakasaad sa Traffic Laws ng bansang Qatar. Kelangan pumasa ang lahat ng 4 year old or more na sasakyan sa technical inspection bago ito iparehistro at magamit. In short, within 3 years ng isang brand new car, di na kelangang dumaan pa ito sa technical inspection. Logically, bago/ bagu-bago pa kaya wala pang chismis sa kondisyon nito.

Mahigpit dito sa Qatar: mabusisi masyado ang technical inspection hence, magastos. Lahat na lang ng bahagi ng kotse binubusisi mula sa ilaw ng headlights, tail lights, signal lights, seatbelt, fire extinguisher, at gulong. Pati side slip, break, buga ng tambutso ay computerized ang makinang ginagamit kaya wala ka talagang lusot. Pati gasgas, bakbak o faded na pintura sa body ng sasakyan eh chinechek din, kaloka! So kung di cleared in all aspects ang sasakyan mo, sorry ka, di mo sya maire-rehistro. At kung magtatampalasan kang i-drive ang unregistered car at mahuli ka, penalty ka ng bonggang-bongga: QR 3,000 (Qatari Riyals three thousand) equivalent to approximately 40 thousand pesos, chika???? Juice mio! Kaya yung iba, bago pa umabot ng 4 na taon ang nabili nilang bagong kotse, dinidispatsa na at ibinebenta kesa dumaan pa sa mabusising technical inspection na ito. Imperness, ok din naman if only for the safety of roads at kalinisan ni mother earth c”,)

Nauna kong pinaayos yung tuklap na bumper paint ni Kinang at saka ko sinunod ang ilaw sa plaka at saka yung gulong. I had the bumper done by tatay’s friend na pintor at latero ng sasakyan ng mga Sheikhs (mayayaman or part of the ruling family ng Qatar), while yung plate light eh effortless naman sa mga garahe sa Bin Mahmoud. Yung sa gulong, pinalitan ko na lahat ng 4 na gulong churang yung 2 sa unahan lang ang me chismis. Baka pag 2 lang pinalitan ko, baka me bago na namang fault na lumabas, saying di balanced ang wheels dahil 2 eh bago yung 2 luma, hahaha!

Yung sa wheel alignment naman, I had it done by a Pinoy technician ng Suzuki mismo sa kanilang “Quick Fit Center” sa Industrial Road. Umabsent ako ng bonggang-bongga marating lang ang malayong garahe nila. Imperness, natuwa akong malamang dito pala ginagawa ang mga pre-technical inspection (except engine and body works) kaya pag pinasok mo ang sasakyan mo dito, sure nang papasa ka sa actual technical inspection sa QTI (Qatar Technical Inspection, the regulating company).

Kaso after ng repair na ginawa ko, me isa pa akong problema: malamang na me penalty ako dahil expired na ang estimara (Arabic for car registration) ko! Mahirap kasi ang work sked ko kaya di ko matutukan ang pagpapayos nya; hanggang gabi kasi ay may pasok ako. Sa weekend naman at off ko, sarado naman ang mga talyer at spare parts centers. Kadalasan nga, kelangan kong mag-half day or umabsent sa office just to attend to all these.

My estimara expires on April 2, 2009 at under Qatar traffic law, meron grace period na 1 buwan so technically hanggang May 2, 2009 ang expiry nito. Pag di mo narehistro mo ang sasakyan within this period, have na naman ng bonggang-bonggang penalty! Juice mio!

Eh May 4 ko iparerehistro ang kotse ko so lagpas na ito ng 2 araw sa expiry! Pinaverify ko sa kasamahan ko sa opisina ganundin sa kaibigang pulis ng friend ko kung totoo nga ba ang batas na ito, at totoo nga raw! 500 riyals daw ang penalty, lagot!

So gabi ng May 3, wala na akong ibang matakbuhan. Bago ko ipikit ang mata ko, sa Kanya ko na lang inihabilin ang magiging resulta ng car inspection most especially sa magiging penalty for late registration ko. Confident ako sa inspection pero worried ako sa penalty. I uttered a simple prayer at itinaas ko sa Kanya ang lahat nang mangyayari kinabukasan, na kung maaari wala na akong bayaran na penalty dahil suko na ako sa gastos. My budget is strained kaya nanghiram na nga lang ke Mixie nang pangdagdag para sa car re-inspection at registration ko. Gumastos na nga ako sa repair, tyak na lalong masasaktan ang bulsa ko kung magbabayad pa ako ng penalty.

Then came yesterday, May 4, the date of re-inspection and registration of Kinang. Nung nakapila ako sa Lane 5 for re-inspection sa QTI, para akong bubuking, hahaha! LTK (lamig-tae-kaba) ang nararamdaman ko sa nerbyos! Di ko rin malaman kung maiihi ba ako or what habang hinihintay yung turn ko. Binuksan ko ang car stereo and played songs from my USB, pinatay ang A/C, ibinaba ang windshields, saka dumukot ng isang yosi para malayang ibuga ng ibuga ang nerbyos.

Nung turn ko na, ipinaubaya ko na si Kinang sa kamay ng Indianong inspector at saka ako pumasok sa waiting area para hintayin ang resulta ng re-inspection. Pagkatapos ng ilang minuto, hawak-hawak ko na ang inspection report…nakasulat sa Legal at Technical Requirements: “PASSED.” Napangiti ako pero di kasing-lawak para umabot sa tenga ko; me isa pa akong kalbaryo: yung penalty for late registration.

Walang kaabug-abog, I broke the good news on re-inspection by SMS to my friends. Sabi ko wait ko pa kung me penalty akong babayaran.

Kapag pumasa ka na sa inspection, dadalhin mo ito sa traffic police na sisitahing muli ang sasakyan mo at saka pipirmahan ang report kung pasok ka sa banga. Isang ngiti mala Miram Quiambao at magiliw na “Sabaah el kheer” (Good morning in Arabic) ang bungad ko sa unipormadong traffic officer. Sagot-bati naman ang pulis at pinirmahan ang report, pasok!

After nito, next would be insurance. Your car will not be registered not unless you present the passed inspection report, have it signed by the traffic police and have the car insured. Sa loob ng QTI, meron na rong mga booths ng ibat-ibang insurance companies. Sa dagdag na 100 riyals (bukod sa insurance fee na babayaran mo) as their service charge, uupo ka na lang at sila na ang bahalang mag-process ng registration card mo --- mas convenient kasi di ka na pipila at iaabot na lang sa yo yung card pag tapos na. Inabutan ko ng 525 riyals yung Egyptian na ahente: 325 riyals para sa 3rd party insurance, 100 naman na regular na bayad sa registration card at additional 100 para sa service charge nya. Matapos kong iaabot ang documents ko sa agent, panay ang usal ko ng dasal na sana eh huwag itong bumalik asking me to pay a penalty for late registration. Ganunpaman, inihanda ko na rin naman ang 500 riyals sa wallet ko sakaling lapitan nya ako sabihan ng: “Sorry my friend, late, you have to pay penalty.”

Habang naghihintay, pinikit ko sandali ang mga mata ko at inilapat ang likod ko sa upuan. Medyo napagod ako dahil maaga akong nagising at malayu-layo rin ang i-drinive ko. Maya-maya, dumating na yung Egyptian na nag-ayos ng papeles ko…nakangiti. Ika nya: “Khalas!” (Arabic: finished) sabay abot sa akin ng new car registration card na nakatatak ang bagong expiry nito. Wala akong penalty!

God is good! Answered prayer, sa loob-loob ko.

No comments: