“Kinang” kung tawagin ko ang kotse ko. Isa syang Suzuki Liana sedan na kulay Silver, na binili kong bago nung 2004, manual ang gear, powered ang windows, may 1.4L engine, at black ang upholstery. Kinang ang pangalan na bansag sa kanya ng kaibigan kong si Mara kasi ayon sa kanya, makinang ang kintab ng katawan nito (si Mara din ang nagbansag sa una kong kotseng drinive sa Qatar: white 1989 Daewoo Lemans. “Bulag” naman ang tawag niya rito kasi mukhang OK sa panlabas pero ang totoo, maraming chismis, hahahaha!). Hanggang ngayon nga, maraming nagtataka na apat na taon na si Kinang kasi makinis at makinang pa rin ang kaha nito. Mukha pa raw bago. Mukha raw well-maintained.
Yun ang akala nila. Sa loob ng nakalipas na 4 na taon, ni di naranasan ni Kinang maipasok sa Main Service ng Suzuki for routine maintenance. Puro change oil at oil filter lang every 5,000 kms ang drama ko sa kanya. August last year, bumigay ang A/C ni Kinang pero di ko pa rin ito pinagawa kahit pa nakakatusta ng balat nung panahon na yon. Tiniis ko yon kasi ang rason ko, ilang buwan na lang di ko na po-problemahin ang A/C kasi malamig na kasi Disyembre na. Bukod sa sirang A/C nagkaron din ng problema si Kinang sa axle boot ng kanang gulong nya sa harapan. Dahil dito, maingay si Kinang kapag liliko ka. Lumalangitngit. Imperness, kapag diretso ang daan, smooth pa rin at walang ingay kung tumakbo si Kinang. Nitong April 12 (so do the math from August last year kung ilang buwan kong dineadma ang sakit ni Kinang) tuluyan nang bumigay si Kinang. Di ko pinansin ang hot engine temperature na waning signal sa dashboard nito nung huli ko syang ginamit papuntang volleyball court. Pinatakbo ko pa rin sya kahit makailang beses nya akong itirik sa kalsada nung araw na yon. Para syang agaw-buhay na sisinghap-singhap. Doon lang ako nag-decide na ipasok sa Main Service ng Suzuki si Kinang kinabukasan.
The shock of my life came nang sabihin sa akin ng service advisor na wala ng pag-asa si Kinang kasi nag-overheat ang engine nito. He suggested 2 options to revive the car: 1) i-overhaul ang damaged engine to the tune of QR 65,000 (equivalent lang naman sa 715,000 pesos) o 2) bumili ng bagong makina sa halagang QR 23,000, mas mataas pa sa resale value ng sasakyan ko kung sakali! Di agad ako nakasagot nang ibalita sa akin ito ng mekaniko. Ganun pala pag nakarinig ka ng news as bad as pagkawala ng isang napakaimportanteng bagay sa buhay mo, parang blangko ka lang, di ka maiyak, di ka nalungkot. Parang pumasok lang sa isang tenga ko ang balita at lumabas sa kabila. Di ako makapagdesisyon right there and then kaya sabi ko na lang sa mekaniko, tatawagan ko sya. Blangko ako.
Akala ko nga di ako maiiyak sa pagkawala nya; yun pala magsi-sink in lang ang lahat pagkalipas ng 2 araw. Finally yung moment na hinihintay ko nung ibinalita sa aking patay na si Kinang eh dumating na. Napaiyak na kasi ako.
Ganun pala yun? Grabe, ang bigat sa feeling, shit! Pano pa kaya kung mahal sa buhay ang mawawala di ba? Pano pa kaya yung feeling nang mawalan ka ng paboritong alaga? Ng anak? Ng asawa? Ng kapatid? Ng magulang o ng matalik na kaibigan? O ng boyfriend?
What made me cry is nung makita ko yung vacant slot ng parking sa bahay...na ibang kotse na nirentahan ko lang ang umookupa...para pa nga akong luka-luka na kinakausap mula sa kinauupuan ko ung kotseng nirentahan ko. Tanong ko: "Kinang, hindi ba ikaw yan? Bakit iba na naka-park sa puwesto mo ngayon?"
"Ang daya mo naman, pinagastos mo pa ako ng QR 3 thousand sa violation ko at QR 500 para sa registration at insurance mo? Last month lang yun at ang saya-saya ko pa kasi pumasa ka di ba? Tapos mawawala ka rin lang pala sa akin. Ang daya mo Kinang…"
Suddenly, nag-flash lahat sa akin ang memories of Kinang's glorious days: yung time na bago pa sya at alagang-alaga ko sya --- binibilhan ko ng wax, shampoo, floor carpet, air freshener, chamois cloth na panlinis, etc.
For sure, mami-miss ko si Kinang kasi andami kong alaala sa kanya:
• Nabili ko sya nung 2004, same year na nabuo ang organisasyon naming FilVAQ (Filipino Volleyball Association – Qatar). Sa kanya ko isinasakay ang mga gamit namin sa liga pati na ang mga officers na hatid-sundo ko. Hanggang sa lumipas na ang 3 liga, sya pa rin ang gamit ko. This time nga lang kumonti na ang pasahero ko kasi karamihan sa officers ay may mga sarili na ring kotse;
• Dito ko hinahatid-sundo ang nanay at tatay ko sa lugar na pinagta-trabahuhan nila;
• Sa loob ako nito natulog nang isang gabing mag-away ang nanay at tatay ko. Di ako makatulog sa sigawan nila kaya don ako umiklip;
• Dito ko isinakay ang hipag kong si Grace nang ipinanganak nya si Jhules, ang una kong pamangkin sa kanya; nag iuwi si Jhules tapos isilang; hanggang sa ipasok sa ospital si Jhules nung magkasakit ng malubha (Kawasaki disease) at ilabas matapos gumaling;
• Kay Kinang ko rin pinagpraktis ang mga kaibigan kong sina Jackie at Mara bago sila sumalang sa driving exams nila;
• Si Kinang ang kasa-kasama ko araw-araw nung 2006 Doha Asian Games. Tuwing umaga, suut-suot ang puti at berde naming uniporme, dadaanan ko pa ang kaibigan kong si Jackie sa bahay nila para isabay sa venue ng beach volleyball kung saan kami Technical Officials (TOs);
• Di na rin mabilang ang kapamilya at kaibigan kong naihatid at nasundo sa airport gamit si Kinang; at
• Dito ko rin naisakay ang mga lalakeng naging bahagi ng buhay ko: si Salah, si Glenn, si Aboud, si Paul Chester.
Akala ko ay wala ng pag-asa pa si Kinang. Mabuti na lang me inirekomendang mekanikong Indian ang service advisor mismo ng Suzuki na me mahikang bumuhay ng patay na makina. Kahit di ko kilala pareho ang mga taong ito, di ako nagdalawang-isip na ipagkatiwala sa kanila ang kapalaran ni Kinang. Napagkasunduan namin ng mekaniko na sa kabuuang halagang QR 5 thousand at sa lob ng saktong 1 linggo ay ibabalik nya nya sa akin si Kinang na may maayos na makina at malamig na A/C.
Lumipas ang isang linggo at tinupad ng madyikerong mekanino ang pangako nya: buhay nang muli si Kinang! Ang saya saya ko! Relieved na relieved ang pakiramdam ko. Kaya rekta pagkagaling ng talyer, dumiretso ako sa Carreyfour Villagio to shop for a car floor mat na mabalahibo at malambot. Kumuha rin ako ng apple scented na car freshener para pabanguhin si Kinang.
Nitong nakaraang Byernes lang, naipagawa ko na ang gulong nya at sirang axle boot na sanhi ng ingay nito. Di lang yon, bilang regalo kay Kinang, eh binili ko sya ng JVC stereo with USB slot at 1 pares ng 3-way speakers with tweeter. Mas ma-appreciate siguro ni Kinang ang sterero system kesa sa lobo, cake o pansit kasi kahit pagod sya kakatakbo buong araw ay pareho kaming maligaya kakapakinig ng magagandang kanta.
Ngayon, parang feeling first-timer ako sa sasakyan kasi I’m always looking forward na sumakay sa kanya at maramdaman ang smooth nyang pagtakbo, ang malamig nyang A/C at ang magandang tunog ng stereo niya.
I’ve learned a lot of valuable lessons (although the hard way nga lang) sa nagyaring ito ke Kinang. Indeed, everything happens for a reason.
WELCOME BACK, KINANG!
No comments:
Post a Comment