Inabot ko sa boss ko ang isang excel sheet ng lahat ng contact numbers galing sa email nya. Bago nya kunin, sabi nya sa akin, simula bukas lahat ng memos na naka-address sa kanya eh huwag ko nang ibigay sa kanya kundi sa isa pang Panang (Indiyano) manager. Sabay abot sa akin ng isang memo.
Sulat sa kanya yun ng kumpanya, pinaaalam sa kanya na huling araw na nya sa katapusan ng January, forced resignation para sa lahat ng empleyado na age 60 and up. 65 na si Izzeldin, ang boss kong Sudanese na may Canadian passport. Don ko lang nalaman na 14 years na pala sya sa Toyota; halos 4 na taon lang ang lamang sa akin.
Di ko nagawang maging emosyonal nang malamang 2 araw na lang sa opis ang boss ko. Sinabi ko lang na nakakalungkot naman yun at malamang eh napaghandaan na naman yun. He saw it coming daw. Ako I saw it coming too kasi alingasngas na yun sa opis ilang linggo na eh. Nitong umaga naman, nasagap ko na rin na kasama nga raw sya sa mga ilang matatandang empleyado na past retirement age na tsutsugiin.
After nyang tingnan ang contacts printout na inabot ko, magpapatulong daw sya bukas na i-save sa USB ang lahat ng personal na files nya.
Pagbalik ko sa workstation ko, at saka unti-unting nagsink-in sa akin ang nangyari at unti-unting nangilid ang luha ko. Para di mahalata ng mga kasamahan ko na namumula ang mata ko, agad akong nangpaitbahay sa opis ni Robin.
Mami-miss ko ang boss ko. Sobrang professional, sobrang bait. As in wala akong masasabing kahit anong kapintasan sa ugali nya at sa naging working attitude nya bilang amo ko. Di ako magtatagal sa kumpanyang to kundi dahil sa kanya.
Sa last day nya, saka na lang uli ako iiyak...
No comments:
Post a Comment